4 Chinese Feng Shui experts timbog
Apat na Chinese national na nagpapakilalang Feng Shui experts ang naaresto ng mga awtoridad matapos ireklamo ng panloloko at pagtangay ng mga alahas at cash, sa Binondo, Maynila, sa ulat kahapon.
Kinilala ni Manila Police District-Station 11 chief, Supt, Nelson Yabut ang mga suspect na sina Chen Rui Ying, 36; Chuang Tu Mei, 37; Lo Sau Ing, 43; at Mei Li, 46, pawang mga may-asawa at pansamantalang nanunuluyan sa Great Eastern Hotel na matatagpuan sa #7842 Makati Avenue, Makati City.
Pormal na naghain ng reklamo ang biktimang si Uang Hiu Hiu, may-asawa, Chinese national, negosyante, ng Binondo, Maynila.
Sa imbestigasyon, dakong alas-10:30 ng umaga noong Linggo (February 1) nang naganap ang pambibiktima ng mga suspect sa loob ng isang fastfood sa kanto ng Elcano St. at CM. Recto Avenue, Binondo, Maynila.
Kinaibigan umano ng mga suspect ang biktima nang makita nilang naglalakad ito. Dahil sa kapwa Chinese ay mabilis na nagkaintindihan ang mga suspect at biktima hanggang sa yayain ang biktima na kumain sa nasabing food chain.
Pinaniwala ng mga suspect ang biktima na sila ay Feng Shui experts at fortune teller. Maya-maya umano ay nagmistulang sunud-sunuran na lamang siya sa mga suspect dahil sa mga sinasabi ng mga ito na susuwertihin siya kung magbibigay ng pera at alahas.
Nagawa pang umuwi umano ng biktima upang kunin ang mga lahas at pera at ibinigay sa mga suspect . Nang matauhan, naisip niya na naloko siya.
Hindi pa nakuntento, isa sa mga suspect ang tumawag sa kanya at humiling na magdala ng pera at alahas para naman umano lumayas sa bahay niya ang bad luck.
Mabilis namang inireport ito ng biktima kay Yabut na nagresulta sa pagkakadakip kay Li sa loob ng Divisoria Food Court.
Ginamit naman si Li ng mga operatiba upang matunton pa sa kanto ng Makati Ave., at Eduque St., Makati City ang tatlo pang suspect.
Ipinagharap ng kasong estafa by swindling ang mga nasabing dayuhan. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending