Ikinasa ng militanteng transport group na Pinagisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang serye ng malawakang welga.
Ayon kay Goerge San Mateo, secretary general ng Piston layunin ng kanilang protesta na iparating sa pamahalaan ang kanilang kahilingan na maibasura ang oil deregulation law at maibaba ang presyo ng gasolina at liquefied petroleum gas (LPG) sa bansa.
Kasama sa protesta ang pagsasagawa ng noise barrages, transport caravans at protest rallies sa ibat ibang panig ng bansa.
Ani San Mateo, kailangan nang maibasura ang naturang batas dahilan sa ito ang ugat ng kahirapan ng maraming bilang ng hanay ng transportasyon.
Sinabi ni San Mateo na kung inalis ng gobyerno ang deregulasyon at ipinatupad ang price control, mas bababa pa ang presyo ng langis habang ang presyo ng LPG ay mababa sa P500 kada 11-kilo kada tangke.
Nais ng Piston na maibaba ang halaga ng LPG sa P400 kada 11 kilo bawat tangke. (Angie dela Cruz)