Contractor binoga sa inuman
Bumulagta sa inuman ang isang contractor makaraang pagbabarilin ng kaatraso nito sa Quezon City, kamakalawa.
Namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Joseph Andrew Lapiad, 35, ng Barangay Bagong Silangan, Quezon City.
Patuloy namang pinaghahanap ng QC Police ang tumakas na suspek na nakilala lamang na Alyas Jun, ka-barangay ng biktima.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas 9:45 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat mismo ng bahay ng biktima.
Bago maganap ang krimen, sinasabing nag-iinuman ang biktima at ilan niyang kaibigan at kamag-anak sa tapat ng bahay nito nang biglang dumating ang suspek.
Sa hindi malamang dahilan, bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ang hindi nakapormang biktima at saka tumakas ang huli.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending