Bangketa ibinalik ni Lim sa vendors
Matapos na madala sa luha ng mga vendors, muling pinabubuksan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang mga bangketa sa mga vendors simula bukas (Linggo) at walang mga pulis na maaaring manghuli sa kanila.
Gayunman, naging matindi rin ang naging babala ni Lim sa lahat ng mga station commanders na sumasakop sa tatlong distrito na sina Supt. Rolando Miranda ng MPD Stn. 1; Supt. Jose Mario Espino ng Stn. 2; Supt. Nelson Yabut ng Stn. 11 at Supt. Romulo Sapitula ng MPD Stn. 3 na wala silang gagawing panghuhuli sa sinumang vendors mula sa mga nasabing distrito sa itinalagang araw simula ngayong araw ng Linggo.
Binigay ni Lim ang kalayaan sa mga vendors na magtinda mula umaga hanggang gabi at kapag ito ay naging epektibo ay tiniyak ni Lim na maging ang araw ng Sabado ay magiging vendor’s day kung saan dalawang araw na silang makapagtitinda ng malaya sa mga nabanggit na bangketa ng walang inaasahang huli mula sa mga kapulisan.
Ikatwiran din ni Lim na ang paglala ng suliranin sa vendors ay bunga na rin ng hindi mapigilang ‘pangongotong’ng mga tiwaling pulis sa mga manininda. (Doris Franche)
- Latest
- Trending