2 fetus pa natagpuan sa Maynila
Dalawang fetus na naman ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Maynila. Siyam na ang kabuuang bilang ng mga fetus ang natagpuan sa buwan pa lamang na ito. Sa ulat ni Det. Jay Santos ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas- 12:30 ng hapon nang makita ng isang namumulot ng basura ang 4-5 buwan na lalaking fetus na nakalutang sa tubig ng Manila Bay, sakop ng Pier 18 sa Tondo. Sa hiwalay na kaso, iniulat naman ni Det. Richard Lumbad ng MPD-Homicide Section, dakong ala-1:30 ng hapon nang matagpuan ng isang di nakilalang lalaki ang tinatayang 4-6 na buwang lalaking fetus na nasa loob ng isang kahon , nakahalo sa tambak ng basura sa panulukan ng Hermosa at Juan Luna Sts., Tondo. Noong Sabado ng gabi, dalawa pang fetus ang natagpuan, una, ay isang 1 week old baby sa tapat ng Grand Boulevard Hotel sa Roxas Boulevard, Maynila habang tinatayang 5-6 buwan na lalaking fetus sa Pasig River na sakop ng Cristobal St., Paco. (Ludy Bermudo)
Mag-utol inatado ng dating kaalitan
Patay agad ang isang jeepney driver, habang kritikal naman ang kapatid nito matapos na kapwa ataduhin ng saksak ng isang pintor na matagal na nilang nakaalitan, kamakalawa ng hapon sa Pasay City. Nakilala ang nasawing biktima na si Ronaldo Pascual, 44, ng Protacio St. Ext. ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong mga tama ng saksak sa katawan. Inoobserbahan din sa nabanggit na pagamutan ang kapatid ni Ronaldo na si Daniel Pascual,43 dahil din sa tama ng saksak sa dibdib. Nagawa namang maaresto ng mga rumespondeng baranggay tanod ang suspect na si Benjamin Ofemia, 35. Batay sa ulat , dakong alas-4:30 ng hapon nang mangyari ang nasabing insidente kung saan unang nag-iinuman ang magkapatid kasama ang ilang mga kaibigan hindi kalayuan sa kanilang lugar nang mapadaan ang suspect na noo’y lango din sa alak. Kinumpronta umano ng suspect ang nasawing biktima kaugnay sa matagal na nilang alitan na tinangka namang awatin ni Daniel, subalit paglapit nito ay agad siyang sinalubong ng una ng saksak sa dibdib. Nang duguang bumulagta si Daniel ay si Ronaldo naman ang pinagbalingan ng suspect saka inatado ng saksak sanhi upang agaran itong masawi. (Rose Tamayo-Tesoro)
Tsinelas palit buhay
Buhay ang naging kapalit sa pagtatangka ng isang batang babae na iligtas ang kanyang tsinelas makaraang malunod ito sa isang ilog sa Quezon City, kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Aminola Rombrana, 8 , nakatira sa tabing ilog sa may Don Vicente St., cor. Lamb St., Barangay Bagong Silangan, Quezon City. Ang bangkay ni Rombrana ay nakita na lamang na lulutang-lutang sa Tumana River, Bagong Silangan makalipas ang may kalahating oras na paghahanap sa kanya ng Barangay rescue team. Base sa report ni Supt. Antonio C. Yarra, hepe ng Batasan Police Station 6, dakong alas-4:30 kamakalawa ng hapon nang malunod ang biktima sa nasabing ilog. Nabatid na nakikipaglaro sa mga kapwa bata ang biktima nang malaglag ang tsinelas nito sa ilog. Tinangkang habulin ng biktima ang inanod nitong tsinelas ngunit sa halip na abutan niya ito ay nalunod nang mapadako sa malalim na bahagi ng ilog. Agad namang humingi ng saklolo ang mga kalaro nito ngunit hindi na mahagilap ang biktima na lumubog at tinangay na ng agos ng ilog. (Danilo Garcia)
Bebot kritikal sa holdap
Nasa kritikal na kondisyon ang isang dalaga nang saksakin ng hindi pa nakikilalang holdaper matapos hindi ibigay ng una ang kanyang bag sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi. Ginagamot sa Fatima Medical Center sanhi ng saksak sa kaliwang tagiliran si Ann Marie Enad, 25 ng Espiritu St., Marulas ng lungsod. Sa ulat, alas-11:30 ng gabi, kumakatok sa kanilang gate ang biktima nang sumulpot ang suspek dala ang isang patalim. Kinukuha ng suspek ang bag ng biktima subalit tumanggi ang huli na naging dahilan para saksakin ito. Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek na walang nakuha habang dinala ang biktima sa nabanggit na pagamutan. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending