Sundalong Koreano, nagbaril sa sarili
Palaisipan ngayon ang tinamong tama ng bala sa ulo ng isang dating sundalong Koreano na inisyal na iniulat na nagbaril sa sarili makaraang pasukin sa loob ng kanyang bahay ng mga kagawad ng Quezon City Police District-Special Weapons and Tactics unit sa Roxas District ng naturang lungsod kamakalawa ng gabi.
Kritikal ngayon ang kondisyon sa loob ng Capitol Medical Center ang suspek na si Kevin Lee. 33, residente ng #40-C Gumamela St. Brgy. Roxas District, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng QCPD-Kamuning police station, dakong alas-7 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima. Nabatid na unang nagreklamo sa barangay hall ng Roxas District ang Pinay na asawa ni Lee na si Christina Gonzales, 32, matapos na magtamo ng sari-saring pasa at sugat sa katawan dahil sa pambubugbog ng kanyang mister na armado ng isang baril.
Agad namang nagtungo ang mga kagawad ng barangay sa bahay ni Lee kung saan pinakiusapan ito na lumabas. Nang hindi tumugon, humingi ng saklolo ang mga opisyal ng barangay sa QCPD-SWAT na rumesponde sa lugar.
Nabatid na nang pasukin ng mga pulis ang loob ng bahay, dito nakarinig ng dalawang magkasunod na putok ang mga residente. Ayon sa mga pulis, kusang nagbaril sa sarili ang biktima bago pa man sila makalapit.
Sa imbestigasyon kay Gonzales, nakakaranas umano ng war shock ang kanyang mister dahil sa mga misyon nito sa Korea nang sundalo pa ito. Ipinagtapat umano nito na hindi niya nakikilala ang mga tao sa paligid niya kapag inaatake ng sakit kaya sinasaktan siya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending