Lider ng 'Dugo-Dugo gang' timbog ng NBI
Isang pinaniniwalaang lider ng “Dugo-Dugo gang” na nagpapakilalang consul at ambassador ang nalambat ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) makaraang ireklamo ng isa sa mga nabiktimang Overseas Filipino Workers (OFWs), kamakalawa ng gabi, sa Silang Cavite.
Ang suspect na gumagamit ng maraming alyas ay nakilalang si Gilbert Tuliba, 39, na may mga alyas “Nicanor Tuliba”, “Mark Anthony Siy, “Mario Pelare” at Edison Dizon, ng Bgy. Maguyam, Silang Cavite, tubong Pototan, Tigbauan, Iloilo City.
Sinabi ni NBI Director Nestor Mantaring na ngayon lamang sila nakahawak ng kasong tulad nito dahil ang pangkaraniwan umanong miyembro ng “Dugo-Dugo” ay nakikipagkita sa mga biktima. Sa kaso ng suspect, idinadaan ang panggagantso ng pera sa G-cash transaction.
Aminado ang suspect na siya ang tinutukoy sa mga alyas at patunay pa sa iba’t-ibang identification cards na taglay ang mga nasabing alyas na nakuha sa pag-iingat niya. Limang cellphone din ang nakumpiska sa suspect.
Isinagawa ang operasyon bunsod ng reklamong inihain sa NBI ni Olivia Rempillo. Pinaniniwalaang may mga kasamahan ito na kasabwat sa pagsu-surveiilance sa mga bibiktimahin.
Modus operandi ni Tuliba ang magpapakilalang siya ay ambassador at consul ng iba’t-ibang bansa sa mga kaanak ng OFWs na tatargetin.
Sa pagtawag ng suspect, pinalalabas nito na nasangkot sa gulo o aksidente ang OFW na nasa ibang bansa at hihingan ang kaanak ng pera ng P40,000 hanggang P70,000 para gamitin umanong pag-areglo . Sa pamamagitan umano ng G-cash hinihiling ng suspect na ipadala ang salapi.
Ilan din umano ang pagkakataon na nangungutang ang suspect sa kaanak ng OFW na nasa bansa at hindi magbabayad o hindi na magpapakita.
Nadiskubre ng NBI na may nakabinbing warrant of arrest sa sala ni Presiding Judge Evelyn Salao, ng Municipal Trial Court, Branch 4 ng Iloilo City dahil sa kasong estafa na kinasangkutan noong Hunyo 25, 2002 . Ito ang ginamit para sa pagdakip kay Tuliba.
Dahil din umano sa mga alyas kaya nakakalusot sa pag-aresto si Tuliba.
Sa beripikasyon, nabatid na nakulong na ang suspect sa kasong illegal possession of firearms taong 2002. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending