Harvard law student, biktima ng 'Ipit taxi'

Nabiktima ng tina­tawag na “Ipit Taxi Gang” ang isang Filipino-American na law student ng Harvard University ng Estados Uni­dos kung saan nata­ngay umano dito ang may P.5 milyong halaga ng salapi at mama­haling gadgets, kama­kalawa ng gabi sa Que­zon City.

Nakilala ang biktima na si Nathan Santos-Smith, 24-anyos, resi­dente ng Beverly Hills Drive, San Diego, California, USA.

Sa kanyang reklamo sa Quezon City Police District-Theft and Robbery Section, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente habang sakay siya ng taxi sa may Cubao ng naturang lungsod.

Kararating lang ni Smith buhat sa Estados Unidos at sumakay ng taxi na Toyota Corolla (TXE-427) sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nagpahatid sa pinaka­malapit na bus terminal patungong Baguio City kung saan nakatira ang kanyang tiyahin.

Dinala naman siya ng hindi nakilalang dri­ver sa bus terminal sa may Cubao kung saan isang lalaki ang suma­kay sa taxi, tinutukan siya ng baril at nag­hayag ng holdap. 

Dito nilimas ng mga suspek ang kanyang wallet na naglalaman ng US$700, dalawang cellular phones, laptop computer, isang Sony PSP at mahahalagang dokumento.

Ibinaba naman siya ng mga suspek sa may New York Avenue sa Cubao kung saan hu­mingi siya ng saklolo sa mga taumbayan na nagturo sa kanya sa Kamuning police station.

Kasalukuyan na­mang nagsasagawa ng berepikasyon sa Land Transportation Office ang QCPD upang ma­batid kung sino ang operator at driver ng naturang taxi habang inihahanda na ang cartographic sketch sa dalawang suspek.

Mistulang na-trauma naman ang Fil-Am na si Smith na umamin na unang pagkakataon niyang makapunta ng Pilipinas. (Danilo Garcia)

Show comments