Obrerong nanunog, kinuyog, binugbog
Bagsak sa kulungan ang isang obrero makaraang kuyugin at bugbugin ito ng taumbayan dahil sa ginawang panununog ng una sa bahay ng kanyang nakaaway na kasamahan sa trabaho sa Caloocan City, iniulat kahapon.
Kasalukuyang nakapiit sa Caloocan-PNP detention cell at nahaharap sa kasong arson si Jesus Aransit, 36, ng Block 17, Phase 1, Package 2, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.
Pinalad namang nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang mga biktimang sina Diego Barangan, 32, asawa nitong si Rowena, 30 at mga anak na anim at isang taong gulang na bata na pawang mga naninirahan sa Block 19, Phase 1, Bagong Silang, Caloocan City.
Batay sa ulat ng Caloocan City Fire Department, dakong alas-11 ng gabi noong Sabado nang magtungo ang suspect sa bahay ng kanyang kasamahang si Barangan.
Bigla umanong binuhusan ng suspect ng dalang gasolina ang bahay ni Barangan at mabilis na sinindihan dahilan upang agad na kumalat ang apoy kung saan noon ay natutulog na ang pamilya ng biktima.
Isa naman sa mga kapitbahay ni Barangan ang nakakita sa ginawa ng suspect dahilan upang humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay kung saan agad namang nasawata ang pagkalat ng apoy na nagresulta sa pagkakasagip sa pamilya ni Barangan.
Hindi naman nakaligtas ang suspect sa galit ng taumbayan na bagama’t tinangka nitong makatakas ay nagawa pa ring masukol at bugbugin ng mga huli bago dalhin sa himpilan ng pulisya. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending














