Nagpahayag kahapon ang Liquefied Petroleum Gas Marketing Association (LPGMA) na may posibilidad na tumaas pa ng hanggang P5 kada-kilo o P55 ang presyo ng 11-kilogram cylinder ng LPG dahil sa nararanasang shortage ngayon sa supply nito.
Ayon kay LPGMA president Arnel Ty, mahigit sa 30-porsiyento ng maliliit na retailers ngayon ng LPG ay sobrang apektado na ng nasabing shortage.
Ang dumating naman umanong 15-metrikong tonelada ng LPG nitong nakaraang linggo ay maaari lamang tumagal ng apat na araw.
Sinabi pa ni Ty na dahil dito, inaasahan umanong magtatagal pa ng hanggang Marso ng kasalukuyang taon ang shortage sa LPG matapos mabigo ang mga major LPG suppliers na makakuha ng advance orders para sa nasabing cooking gas mula sa mga international suppliers.
Ang kakulangan aniya ng LPG ay ang siyang naging dahilan kung kaya’t napilitan ang mga suppliers na magbenta ng mahigit sa P500 hanggang sa P600 ng kada 11-kilogram ng tangke nito.
Samantala, nagbabala naman kahapon ang grupo ng mga panadero na kung hindi kaagad masosolusyunan ang nararanasang kakulangan sa supply ng LPG ay mapipilitan silang magtaas ng presyo sa kanilang mga tinapay. (Rose Tamaypo-Tesoro)