Barilan sa Binondo: 4 paslit kritikal sa ligaw na bala
Apat na paslit ang nasa kritikal na kondisyon sa iba’t ibang pagamutan matapos na tamaan ng ligaw na bala nang magbarilan ang dalawang lalaki kahapon ng hapon sa Binondo, Maynila.
Kasalukuyang na sa kritikal na kondisyon sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang magkapatid na sina Joan ,10-anyos na may tama ng bala sa dibdib at Chris Balansag, 1-taong gulang na may tama sa balakang na tumagos sa kaliwang puwet.
Samantalang kritikal din sa Jose Reyes Me dical Center sina John Carlo Dimas Armada, 3-anyos na may tama ng bala ng baril sa tiyan at Kim Dasoy, 6, na nagtamo rin ng tama ng bala sa katawan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) Station 11, pasado ala-1 ng hapon kahapon nang bigla na lamang magbarilan ang mga suspek na si Bonifacio Librea, 47, alyas Baldo at ang isa pang hindi nakilalang lalaki sa Gate 58 ng Parola Compound, Binondo, Maynila.
Kasalukuyan ding ginagamot sa Ospital ng Maynila si Librea matapos din itong magtamo ng tama ng bala sa katawan.
Naglalaro umano ang mga biktima nang magbarilan sina Librea at kaaway nito.
Patuloy namang inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng barilan nina Librea at kung bakit may dala itong baril.
- Latest
- Trending