Binalaan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority ang lahat ng mga motorista na mahilig lumabag sa batas-trapiko dahil pagaganahin na ang “No Contact Policy” ng ahensiya na inaprubahan kamakailan lamang ng Metro Manila Council.
Ayon kay MMDA chairman Bayani Fernando, sa ilalim ng patakarang ito ay hindi na kinakailangan pang komprontahin nang personal ng mga traffic enforcers ang mga traffic violators.
Sa pamamagitan ng mga kuha sa CCTV camera na nakalagay sa mga pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila, iisyuhan na lamang aniya ng official violation receipt ng lokal na pamahalaan at traffic violation receipt naman ng ahensiya ang sinumang mga tsuper na lumabag sa trapiko.
Ayon pa kay Fernando, gagamitin bilang ebidensiya ng ahensiya sa pag-isyu ng ticket ang mga maire-record ng mga CCTV camera laban sa mga mahuhuling motorista. (Rose Tamayo-Tesoro)