Eroplano sumadsad
Isa na namang maliit na eroplano na may kargang mga isda ang sumadsad sa Ninoy Aquino International Airport nang bumagsak at pumalya ang dalawang gear nito at mag-emergency landing sa paliparan kahapon ng hapon.
Sa inisyal na report na tinanggap ni Manila International Airport Authority General Manager Al Cusi, dakong alas-4 ng hapon nang maganap ang insidente sa Runway 13/31 tapat ng NAIA terminal 3.
Ayon sa MIAA-Media Affairs Office, napilitang mag-emergency landing ang Baron 55 aircraft na may Registry number 1402. Habang papalapag ang eroplano ay nawalan ng kontrol ang piloto at tuluyang sumadsad ang Baron 55 sa runway nang pumalya at hindi naman magbukas ang harap na landing gear o unahang gulong nito.
Mabilis na nagresponde ang mga rescue team ng MIAA sa runway at sinaklolohan ang mga piloto na himala namang hindi nasaktan o nasugatan sa insidente. Dahil dito, naantala ang biyahe ng Philippine Airlines Express flight PR-071 patungong Caticlan sa Aklan dahil sa pagbara ng nasabing sumadsad na eroplano sa runway.
Umabot lamang sa 28 minuto na bumara sa Runway 13/31 ang bahagyang nasirang eroplano na pag-aari ng Aeroflight Aviation at hinila sa hangar upang hindi makasagabal sa mga parating at paalis na flight. (Ellen Fernando at Butch Quejada)
- Latest
- Trending