Arestado ang apat na kabataang lalaki makaraang halinhinan umanong gahasain ang isang 18-anyos na dalagang kanilang kainuman kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Roger Pineda, 18; Jerome Belano, 19; Roland Beluan, 20; at 17-anyos na menor de edad.
Sinampahan sila ng kasong rape matapos ireklamo ng biktimang itinago sa pangalang Sarah Jane, 18, kanilang kapitbahay sa Welfarerville Compound, Brgy. Addition hills ng lungsod na ito.
Ayon sa ulat ni Senior Inspector Julieta Espiritu, Chief, Women’s and Children Protection Desk, naganap ang panghahalay dakong alas-10 ng gabi matapos makipag-inuman ang biktima sa mga suspek.
Nabatid na lasing na ang biktima at nagpaalam na itong uuwi ng kanilang bahay subalit hindi ito pinayagan ng mga suspek at sa halip na iuwi ay sapilitan itong inihiga sa lamesa at tulung-tulong na hinubaran ito ng apat na kabataan at isagawa ang krimen.
Matapos ang pang-aabuso ay nakatulog na umano ang mga suspek na sinamantala naman ng biktima para tumakas.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Mandaluyong detention cell habang inihahanda ang nasabing kaso. (Edwin Balasa)