Isang tatlong taong gulang na batang babae ang namatay nang mabagsakan ng isang malaking batong imahe ni Mama Mary kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Mary Jhonston Hospital sanhi ng pagkabasag ng bungo ang biktimang si Bea Vinoya ng #1540 Sta. Maria St., Tondo.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-8:45 ng umaga nang magtungo sa kalapit na tindahan sa Nicodemus St. ang biktima kasama ang yaya niyang si Anna Liza Isidro,18-anyos, upang bumili ng softdrinks.
Sa salaysay ni Isidro sa pulisya, nakahawak sa kanyang damit ang biktima habang karga pa niya ang limang-buwang gulang na kapatid nito.
Hindi napansin ni Isidro na nakabitiw ang biktima sa kanyang damit at nang kanyang lingunin ay nakadagan na sa bata ang mahigit anim na talampakang taas na rebulto ni Mama Mary.
Kaagad umano siyang humingi ng tulong sa mga taong nakapaligid sa lugar subalit hindi siya pinansin at kumilos lamang ang mga ito nang may makitang umaagos na dugo buhat sa katawan ng biktima.
Ayon kay Isidro, dati ay wala sa nasabing lugar ang naturang rebulto at kahapon ay nakita na lamang nila sa lugar ang imahe na nakasakay sa isang sidecar.
Ang nasabing rebulto umano ay nasa pangangalaga ng isang Ramoncito De Guzman, 56, taxi driver ng 504 Nicodemus St.
Taunang iniisponsoran ni de Guzman ang kapistahan ng Tondo kaya dinadala sa kanila ang imahe ni Mama Mary.
Hindi niya inaasahan na may magaganap na ganitong uri ng insidente sa kanilang lugar isang araw bago sumapit ang piyesta ng Tondo.
Nabatid na hindi na nagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima dahil nangako naman si De Guzman na tutulong sa anumang gastusin.
Nabatid na ang imahe ay pansamantalang inilagay sa lugar malapit sa tindahan na inihatid pa umano ng ilang katao sakay ng isang sidecar.
Sinabi naman ni De Guzman na galing sa kanyang bahay ang imahe at dahil isponsor sila sa piyesta, inililipat ito sa simbahan para sa parada sa tuwing piyesta ng Sto. Niño.
Aksidente lamang umano na bumagsak ang rebulto na nakatakdang isakay sa isang sidecar nang malapitan ng biktima nang walang nakapansin.
Nabatid na mga vendor ang magulang ng biktima at nasa palengke nang maganap ang insidente.