Holdaper kritikal sa NBI agent
Bantay-sarado ang isa sa tatlong holdaper na kritikal ngayon sa Ospital ng Maynila matapos makipagbarilan sa isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos maaktuhang nanghoholdap, sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Manila Police District-Station 9 chief, P/Supt. Ferdinand Quirante ang suspect na si Gary Rodrigo, 30, ng Tondo, Maynila na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan. Tinutugis pa ang dalawang hindi nakilalang kasamahan sa panghoholdap ni Rodrigo, na tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Nakilala ang nagpakabayaning si Joselito Guillen, nakatalaga sa NBI-Special Investigation Unit, na nakipagbarilan sa mga suspect.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa harapan ng Ospital ng Maynila sa Pres. Quirino Ave., Malate, Maynila.
Nabatid na sakay ng isang taxi na may plakang PXE-163 na minamaneho ni Manuel dela Fuente ang mga biktimang sina Nelson Camama, 53, at Marilyn Ortigas, 55, ng Baclaran, Parañaque City nang huminto sila sa tapat ng nabatid na ospital dahil sa hindi gumagalaw na daloy ng trapiko. Bigla umanong dinikitan ang taxi ng isang pulang motorsiklo (CF-1240), kung saan magkaka-angkas umano ang tatlong suspect.
Isa sa suspect na may hawak na patalim ang lumapit sa taxi at binuksan umano ang pintuan nito sa kaliwang bahagi at tinangkang agawin ang bag ni Ortigas. Dahil umalma ang biktima, si Rodrigo na kargado ng 9 mm. na baril ang lumapit at tinutukan ang dalawang pasahero kaya napilitang ibigay ang gintong kwintas na nagkakahalaga ng P30-libo.
Dahil sa komosyon, agad namang rumesponde si Guillen na nakasunod umano ang mina manehong Isuzu Hi-Lander (WRX-546) sa taxi. Nang pagbaba sa sasakyan upang rumesponde ay agad umanong pinutukan siya ni Rodrigo bago makalapit kaya nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa tamaan ang suspect. Nang makita ng dalawang kasamahan na duguan at tinamaan si Rodrigo ay iniwan ito at mabilis na pinasibad ang motorsiklo. Sa beripikasyon sa gamit na motorsiklo ng mga suspect sa Land Transportation Office (LTO), lumabas na naka-alarma ang plaka nito.
Inihahanda na ang kasong robbery-holdup laban sa mga suspect. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending