21 preso sa Caloocan pinalaya ng 'Justice on Wheels' ng SC
May 21 bilanggo sa Caloocan City Jail ang malaya na ngayong pag-uumpisa ng taon makaraang palayain na ng “Justice on Wheels” ng Korte Suprema na tumulong para mapabilis ang kanilang kaso.
Sinabi ni Caloocan jail warden Supt. Lyndon Torres na sa 21 bilanggo, siyam sa mga ito ang na-acquit sa kanilang kaso ng Korte Suprema, habang 12 naman ay nakalaya na matapos na mapagsilbihan na sa kulungan ang kanilang nararapat na sentensya at makumpleto ang mga papeles.
Pinasalamatan ni Torres ang Korte Suprema sa pagiging suki ng Caloocan City Jail sa binibisita ng Justice on Wheels kung saan nakakatulong ito sa pagpapaluwag ng kanilang mga selda at pagbibigay ng pag-asa sa kanilang mga bilanggo.
Nabatid na umaabot na sa 85 ang kabuuang bilang ng bilanggo buhat sa CCJ ang napalaya ng Korte Suprema sa tatlong beses na pagbisita ng Justice on Wheels.
Sa ilalim ng programa ng Korte Suprema, isa-isang binibisita ng mobile court, isang delivery van na ginawang korte at opisina, ang mga bilangguan sa Metro Manila upang dinggin ang mga matagal nang nakabimbing kaso ng mga bilanggo, mapalaya ang mga walang kasalanan, mga matatanda at matulungan ang mga maysakit. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending