Bisikleta vs truck: Dalagita patay
Patay ang isang 17-anyos na dalagita habang sugatan ang dalawa pang nakababatang kapatid, nang mahagip ng isang trailer truck habang magkaka-angkas sa isang bisikleta, sa Tondo, Maynila kamakalwa ng hapon.
Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Irene Garzola, habang gina gamot din sa nasabing pagamutan ang dalawang kapatid nitong sina Sonny Garsola, 14; at Rosemarie, 4, pawang residente ng Area A, Gate 64, Parola Compound, Tondo, Maynila.
Hawak na ngayon ng Manila Traffic Enforcement Office ang suspect na si Pepe Gerldinez, 59, driver, ng Tri-G Trucking ng 5-E Captain Musni St., Sta. Ana, Pateros, Metro Manila, na kusang sumuko sa awtoridad matapos ang insidente.
Sa ulat ni SPO2 Sergio Macaraig, dakong ala-1:35 ng hapon nang maaganap ang insidente sa access road ng Manila International Container Terminal (MICT) compound, Tondo.
Nabatid na nag-overtake ang trailer truck na may plakang TXE 487, na minamaneho ng suspect at halos malagpasan na nito ang bisikletang minamaneho ng dalagita habang sakay ang dalawang kapatid, nang sumabit umano ang kanang gulong ng truck sa puwitan ng bisikleta. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending