Pinangunahan ng tinaguriang “Big 3” ang unang rollback sa taong ito matapos na ibaba nila ng 50 sentimos kada litro ang kanilang produktong petrolyo.
Dakong alas-12:01 ng madaling-araw kahapon ng ipatupad ng Shell, Petron at Chevron ang 50 sentimos na bawas presyo sa kanilang diesel, kerosene at gasolina.
Kaagad naman itong sinundan ng independent oil player na Eastern Petroleum ng gayundin halaga dakong alas-6 ng umaga subalit ginulat ng PTT Philippines ang motorista matapos na magpahayag sila ng P1 kada litrong rollback sa presyo ng kanilang diesel at gasoline habang ipinatas naman sa 50 sentimos kada litro ang kanilang kerosene.
Ayon sa mga tagapagsalita ng kompanya ng langis, ang panibagong rollback ay bunsod ng pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan ng mga nakaraang linggo.
Dagdag naman ni Pilipinas Shell Spokesperson Bobby Kanapi na posibleng masusundan pa ng panibagong rollback ang kanilang kompanya sa susunod na linggo depende kung magkano sa igagalaw sa world market.
Inaasahan naman na susunod pa ang iba pang kompanya ng langis sa ginawang rollback ng mga naunang kompanya.
Samantala dismayado naman at umalma na kahapon ang pamunuan ng LPG-Marketers Association (LPGMA) sa umano’y patuloy na paghihigpit sa supply ng liquefied petroleum gas (LPG) mula sa tatlong malalaking kompanya ng langis.
Sinabi kahapon ni LPGMA President Arnel Ty, binola lamang sila ng mga malalaking kompanya ng langis sa ipinangako ng mga ito na pagbabalik sa normal ng supply ng LPG noong Enero 10 ngunit hanggang ngayon ay kulang pa rin umano ang supply nito.
Duda rin umano si Ty na hinihigpitan ng mga malalaking kompanya ng langis ang supply ng LPG upang hindi matamaan ng price rollback at saka na lamang ilalabas kung tataas na ang presyo ng nasabing cooking gas.
Nabatid na sa Enero 17 at 25 naman ayon pa kay Ty ang panibagong pangako ng Petron at Shell na darating ang kanilang LPG supplies.
Sa kabila nito, kinumpirma naman ni Ty na walang magaganap na pagtaas sa presyo ng LPG na aniya’y pumapalo pa rin ang presyo sa 420 hanggang 470 sa bawat-11 kilogram na tangke nito. (Edwin Balasa at Rose Tamayo-Tesoro)