Revenue collections agents binalaan sa pekeng resibo
Bilang bahagi ng pinaigting na koleksyon ng buwis ng pamahalaang lungsod, binalaan kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga nagsisilbing revenue collections agent laban sa paggamit ng mga pinekeng resibo.
Ayon kay Echiverri, sinumang empleyado ng lokal na pamahalaan na madidiskubreng pinagkakakitaan ng personal ang paniningil ng buwis ay papatawan ng mabigat na parusa at patung-patong na kaso.
Aniya, ang mga kawani ng pamahalaan, lalo na ang mga nakatalaga bilang teller at kolektor, ay kinakailangang pagbutihin ang kanilang serbisyo upang maipadama sa mga taxpayer na sila’y ligtas at komportable. Bukas din ang kaniyang tanggapan para sa anumang sumbong o suhestiyon na may kinalaman sa proseso ng pagkolekta ng buwis.
Kinakailangan din aniyang palaging nakangiti at mahusay na serbisyo mula sa mga kawani sa mga frontline desk kasabay nito nang pagkilala sa bawat taxpayer bilang very important person o VIP.
Kaugnay nito, lalo namang pinadali ng lungsod ang proseso sa pagbabayad ng buwis at mas pinabilis ang bawat transaksyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga business permit renewal express counters at one-stop shops sa harap ng city hall upang mapagbuti ang tax efficiency at bawasan ang kurapsyon. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending