Manager ng security agency, 2 pa timbog sa gunrunning
Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang manager ng isang security agency, isang tiwaling pulis at isang dating sundalo na sangkot sa gunrunning syndicates sa isinagawang operasyon sa Quezon City.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Raul Castañeda ang mga nasakoteng suspect na sina Gerardo Carcellar, 41, General Manager ng EC Professional Security ng Antipolo City; ret. Army personnel Honesimo Hipe, 44; at SPO1 Gil Managbanag, 43.
Isang Fernando Lopez Toledo, 42, ng Pleasant Hills Subdivision, Caloocan City at tatlong iba pa ang inimbitahan ng PNP-CIDG para maisailalim sa masusing imbestigasyon.
Ayon kay Castañeda ang mga suspect ay nasakote sa isinagawang buy-bust operations sa #1025 Yen Street, North Fairview Subdivision, Quezon City bandang alas-6 ng gabi nitong nakalipas na linggo.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagkakasangkot ng mga suspect sa illegal na pagbebenta ng mga armas.
Nang makumpirmang positibo ang ulat ay agad na nagsagawa ng buy-bust operations ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakabitag sa mga ito.
Nasamsam mula sa mga suspect ang limang unit ng M16 armalite firles, isang unit ng AR 15 rifle, limang piraso ng maikling magazine para sa cal 5.56, isang piraso ng magazine para sa M16 rifle at 19 piraso ng bala ng cal 5.56 rifle. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending