Dalawang bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang 21-anyos na babae makaraang paslangin ito ng kanyang live-in partner dahil sa matinding selos, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Ang biktimang si Mary Grace Azarcon, residente Park Avenue St., nabanggit na lungsod ay nasawi dakong alas-6:02 ng gabi habang nilalapatan ng lunas sa San Juan de Dios Hospital bunga ng dalawang tama ng bala .38 kalibre ng baril sa ulo nito. Ang suspect naman na si Guillermo Osorio, 24, residente rin ng nasabing lugar at live-in-partner ng biktima ay nadakip matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Simon Respicio, may ha wak ng kaso, naganap ang pamamaslang ng suspect sa biktima sa loob mismo ng tirahan ng una sa nabanggit na lugar.
Nabatid na bago ang insidente nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng nasawi at suspect. Sinasabing labis ng naghinala ang suspect sa umano’y pagkakahumaling ng biktima sa ibang lalaki na laging dahilan ng matindi nitong pagseselos.
Sa gitna umano ng mainitang pagtatalo, kinuha ng suspect ang kanyang baril kung saan nagawa pa umanong makipambuno ng babae.
Wala namang nagawa ang babae nang itulak ito ng suspect saka pinaputukan ng dalawang beses sa ulo nito na naging dahilan ng agaran niyang pagkasawi. (Rose Tamayo-Tesoro)