Mag-lola sugatan sa sumabog na LPG

Sugatan ang isang mag-lola makaraang sumabog ang liquefied petroleum gas (LPG) sa loob ng kanilang tahanan, sa Sampaloc, Maynila, ka­hapon ng umaga.

Nakilala ang mga biktima na sina Leonora Villamino, 50; at apo nitong si Ella, 3, kapwa re­sidente ng #938 Rosarito St., Barangay 574, Sampaloc, Maynila.

Nabatid na unang isinugod sa Ospital ng Sampaloc ang mag-lola subalit dahil sa kaku­langan ng pasilidad, partikular sa burn unit, inilipat ito sa hindi pa batid na pagamutan. Ang apo nito ay pinauwi na sa bahay matapos matiyak na ligtas naman sa panganib.

Nabatid na ang pagsabog ay naganap dakong ala-11 ng umaga kahapon. sa tahanan ng mga biktima. Posible uma­nong tuma­gas ang tangke na nag­resulta sa pagsabog.

Nagpapaligo umano ng apo ang lola nang tumayo ito upang isarado ang tangke ng gas, dahil umaamoy umano ito hang­gang sa banyo.

Pag­lapit nito ay doon na nga su­ma­bog ang tangke sa mis­mong harap ng lola di ka­layuan naman ang kanyang apo.

Patuloy pa ang imbesti­gasyon sa insidente. (Ludy Bermudo)

Show comments