Mag-lola sugatan sa sumabog na LPG
Sugatan ang isang mag-lola makaraang sumabog ang liquefied petroleum gas (LPG) sa loob ng kanilang tahanan, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Nakilala ang mga biktima na sina Leonora Villamino, 50; at apo nitong si Ella, 3, kapwa residente ng #938 Rosarito St., Barangay 574, Sampaloc, Maynila.
Nabatid na unang isinugod sa Ospital ng Sampaloc ang mag-lola subalit dahil sa kakulangan ng pasilidad, partikular sa burn unit, inilipat ito sa hindi pa batid na pagamutan. Ang apo nito ay pinauwi na sa bahay matapos matiyak na ligtas naman sa panganib.
Nabatid na ang pagsabog ay naganap dakong ala-11 ng umaga kahapon. sa tahanan ng mga biktima. Posible umanong tumagas ang tangke na nagresulta sa pagsabog.
Nagpapaligo umano ng apo ang lola nang tumayo ito upang isarado ang tangke ng gas, dahil umaamoy umano ito hanggang sa banyo.
Paglapit nito ay doon na nga sumabog ang tangke sa mismong harap ng lola di kalayuan naman ang kanyang apo.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending