Tumibay muli ang kampanya ng Philippine National Police laban sa mga kriminal makaraang tatlong hinihinalang mga kilabot na holdaper ang mapaslang ng mga tauhan ng Quezon City Police District sa isang barilan kamakalawa ng gabi sa Barangay Talipapa sa naturang lungsod.
Dalawa sa mga biktima ang kinilala ng mga otoridad base sa kanilang Social Security System identification card at sedula na sina Arnold Glodeviza at Mel Arthur Glodeviza, kapwa residente ng Phase 8B, Block 27, Lot 19, Bagong Silang Caloocan City habang kinikilala ang isa pang nasawi.
Sa ulat ni P/Insp. Angelo Nicolas, hepe ng QCPD-Anti Carnapping Unit, dakong alas-9:10 kamakalawa ng gabi nang magbarilan ang mga pulis at ang mga suspek sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Barangay Talipapa.
Sinabi ni Nicolas na unang hinoldap ng mga suspek ang 44-anyos na negosyanteng si Elpidio Piedad habang naghihintay ito ng masasakyan sa Commonwealth Avenue. Tinangay ng mga suspek ang P15,000 cash, isang relo, pitaka at isang cellphone ng biktima.
Agad namang iniulat ni Piedad ang insidente sa Criminal Investigation and Detection Group-Quezon City sanhi upang ipakalat ang alarma sa lahat ng istasyon at unit ng QCPD. Natanggap naman ang alarma nina Nicolas na nagsagawa ng dragnet operations sa Mindanao at Quirino Avenue.
Naispatan ang mga suspek na sakay ng isang asul at isang pulang motorsiklo na sa halip na huminto ay nagpaputok ng kanilang baril at pinaharurot ang kanilang motor.
Dito na nagkaroon ng maigsing habulan at palitan ng putok kung saan nasawi ang tatlong holdaper habang nakatakas naman ang dalawa pa na sakay ng pulang motorsiklo.
Positibo namang kinilala ng biktima ang mga suspek na humoldap sa kanya.