Pista ng Nazareno 'extra-ordinary' - MPD
Sa kauna-unahang pagkakataon, tinawag na isang “extra-ordinary” ng Manila Police District (MPD) Homicide Section ang naganap na selebrasyon ng kapistahan ng Nazareno noong Biyernes sa Quiapo, Maynila.
Sinabi ni SP02 Richard Lumbad, 21-taon na umano siyang naglilingkod bilang imbestigador ng homicide section at ito ang kauna-unahang pagkakataon na walang naitalang insidente ng pagkamatay sa kanilang tanggapan sa buong magdamag na selebrasyon ng piyesta ng Nazareno.
Ito ay sa kabila ng naging magulo ang selebrasyon ng kapistahan ng Quiapo kada taon at tuwing maghahatinggabi ay nagsusunud-sunod na ang tawag ng mga insidente ng patayan.
Nabatid na malinis ang blotter, ng MPD-HS, maliban sa isang fetus na tinatayang nasa 3-5 buwang gulang ang natagpuan sa may aplaya ng Baseco, Compound, Port Area, Maynila.
Ang naturang fetus ay natagpuan ni Felix Manlupa sa may lugar ng Tambacan dakong alas-11:45 ng gabi kung saan nakita nitong nakabalot sa isang plastic bag ang fetus na hindi na makilala ang kasarian. (Gemma Amargo- Garcia)
- Latest
- Trending