Caretaker nagbaril sa sarili
Patay na nang matagpuan at may butas sa bungo ang isang caretaker na hinihinalang nagbaril sa sarili kahapon sa Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Corsinie Magtubo, binata, at stay-in sa Kaffe Caffe sa Banawe St. kanto ng Maria Clara St., Brgy. Sto. Domingo, La Loma, Q.C.
Sa report ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang biktima dakong alas-7 ng umaga sa loob ng tinutuluyang establisimyento.
Sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima noong Enero 9 kasama pa ang kanyang ate na si Redgen, 22, cook sa parehong lugar, habang papunta sa bahay ng huli sa Cordillera St.
Kahapon, maagang pumasok sa naturang establisimyento si Redgen ka sabay ang sekyu na si Roger Bacatano, 38, at doon ay tumambad sa kanila ang biktima na nakaupo sa isang sofa habang duguan ang kanang bahagi ng ulo nito. Katabi nito ang isang cal .38 na paltik (Armscor-47456).
Pinalalagay ng pulisya na malamang na nagpakamatay ang biktima. Gayunman, binubusisi din ng mga awtoridad kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending














