400 surveillance camera ikakabit sa EDSA

Three- in-one ang target ng Metropolitan Manila Development Authority(MMDA) sa pagkakabit ng 400 surveillance camera sa EDSA para mag-monitor ng trapiko, krimen at pagbaha sa panahon ng mga pag-ulan at kalamidad.  

Tiniyak ni MMDA Traffic Operations Center (TOC) Executive Director Angelito Vergel de Dios, bago matapos ang buwang kasalu­kuyan ay maikakabit na nila ang paunang 51 sur­veillance camera sa EDSA.

Inaasahan ng MMDA na maresolba ang mga traffic build-ups sa mga major tho­rough­fares katulad ng EDSA para sa kapakanan ng mga mamamayang dumaraan dito.

Ayon naman kay MMDA Chairman Bayani F. Fernando, imo-monitor ng surveillance cameras sa loob ng 24-oras ang traffic condi­tions sa major roadways at mga aksidente para mas madali itong matugunan gamit ang emergency vehicles.

Madedetermina rin ng MMDA ang kakula­ngan o kung sobra ang mga passenger buses na naka-deploy sa EDSA. Ang instilasyon ng mga surveillance cameras ay bahagi ng pro­gramang Organized Bus Route na ipinatu­tupad ng ahensiya.

Kasama rin sa instilasyon ang micro-chips o Radio Frequency Identification Device(RFID) sa mga bus para ma-monitor ang tamang bilang ng mga lumalabas na passenger buses sa EDSA.

Ayon kay MMDA General Manager Robert C. Nacianceno, mahigit 3,000 passenger buses ang nagdaraan sa EDSA kada araw at gumagawa ng 32,000 daily trips sa Metro Manila kaya kung hindi sila kokontrolin, ma­tinding trapiko ang aabutin ng mga motorista.

Nabatid na bukod sa pagmo-monitor ng trapiko, krimen at aksidente, magagamit din ang surveillance cameras sa pagmo-monitor ng water level sa oras ng masamang kala­gayan ng panahon at panahon ng pagbaha. (Lordeth Bonilla)

Show comments