Sinibak na kahapon sa kanyang tungkulin ang warden ng Metro Manila District Jail sa Bicutan, Taguig City makaraang mapatunayang nagpabaya umano ito sa responsibilidad bunga ng naganap na madugong riot sa loob ng nasabing piitan noong Martes ng gabi na ikinasawi ng dalawang preso na kapwa dating miyembro ng Alex Boncayao Brigade (ABB).
Nabatid na simula kahapon ay tinanggal na bilang warden ng nasabing piitan si Superintendent Baby Noel Montalvo na agad namang pinalitan ni Superintendent Dennis Rocamora.
Napag-alaman na bukod kay Montalvo ay namumuro ring masibak ang ilan pang hindi muna pinapangalanang mga personahe ng nasabing piitan partikular sa kinasasakupan ng special intensive care area (SICA) kung saan sa kasalukuyan ay isinasalang pa ang mga ito sa masusing imbestigasyon ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Magugunita na napatay sa riot noong Martes ng pasado alas-11 ng gabi sina Brandy Gerona, 28 at Rommel Gayeng, 38 na sinasabing mga dating “hard core” members ng ABB.
Sina Gerona at Gayeng ay kapwa nakulong at nahaharap sa patung-patong na kasong murder.
Batay sa imbestigasyon na pinagtulungang saksakin ang mga biktima ng lima nilang kakosa at dating mga kasamahan sa ABB sa pangunguna ni Randy Puno sa loob ng Dorm 43 sa intensive care cell ng piitan gamit ang isang improvised ice pick.
Lumalabas rin sa isinagawang imbestigasyon, may kinalaman sa pagiging miyembro ng ABB ng mga biktima at mga suspect ang motibo ng pamamaslang sa mga una.
Bunga naman ng nasabing insidente ay agad na nagsagawa ng random inspection ang pamunuan ng BJMP upang masigurong ligtas na sa anumang uri ng armas at kontrabando partikular na sa itinuturing na “high-risk” cell ng nasabing piitan. (Rose Tamayo-Tesoro at Danilo Garcia)