Dalawa sa tatlong hinihinalang karnaper ang bumulagta nang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga kagawad ng Manila Police District (MPD), habang nakatakas ang isa pa kahapon ng madaling-araw sa San Andres, Maynila.
Kasunod ng naging habulan sa Osmeña Highway hanggang sa President Quirino Avenue, San Andres, Maynila.
Inilarawan lamang ang dalawang nasawing suspect na kapwa nasa gulang na 30-36-anyos, halos magkasing-taas sa sukat na 5’6' talampakan, maayos ang gupit ng buhok. Isa sa kanila ang nakasuot ng kulay gray na cargo pants, brown na rubber shoes, asul na t-shirt at armado ng kalibre .38 baril, habang ang isa ay nakasando ng kulay puti, naka-tsinelas, armado rin ng kalibre .38 baril, may driver’s license sa katawan na may pangalang “George Anthony Baile”.
Isang suspect na kasama ng mga nasawi ang nakatakas matapos tumalon sa kabilang kalsada ng highway, sa gitna ng putukan.
Sa ulat ni SPO2 Edgardo Ko, ng MPD Homicide-Section, isang checkpoint umano ang isinasagawa dakong ala-1:55 ng madaling-araw sa Dagonoy St., nang dumaan umano ang kahina-hinalang itim na Toyota Altis na may plakang XFV-831 na dito lulan ang mga suspect. Dahil panay umano ang singit na tila nagmamadali kaya sinita ito ng mga pulis subalit imbes na huminto ay pinaharurot ng mga ito ang sasakyan.
Dahilan upang habulin ito ng mga kagawad ng pulisya hanggang sa umabot sa Osmeña Higyway hanggang sa Pres. Quirino Avenue.
Nang maaabutan na ang mga suspect ay pinaulanan ng mga ito ng putok ng baril ang mga pulis dahilan naman para gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinatama sa dalawang suspect.
Naberipika rin ng mga awtoridad na ang nasabing sasakyan gamit ng mga suspect ay kinarnap sa isang Regino Cabana, 40, sa Singalong, Maynila, dakong alas-7:30 ng umaga kamakalawa
Nabatid na minalas ang mga suspect na mawalan ng control ang sasakyan at nabangga pa ang center island kaya mabilis na lumabas ang driver at umakyat sa konkretong island at tumalon sa opposite lane.