Anti-drugs unit ng MPD-HQ,'kinandado'
Isang unit sa Manila Police District (MPD) ang tuluyan nang binakante matapos sibakin ang mga opisyal at lahat ng mga tauhan nito ni MPD Director C/Supt. Roberto Rosales.
Nabatid na may ilang buwan na ring kinastigo ni Rosales ang unit ng District Anti-Illegal Drugs bunga ng mga sumbong na ‘pitsa-pitsa’ umano ang labanan o pinagkakaperahan lamang ang mga naarestong suspect na may kaugnayan sa droga.
Inilipat noon pang Nobyembre sa MPD-Public Information Office ang hepe nito na si Supt. Roderick Mariano, habang ang 25 pang operatiba ng DAID ay ipinalipat sa iba’t ibang presinto.
Gayunman, nilinaw ni Rosales na hindi naman nangangahulugan na tumigil na ang MPD sa kampanya laban sa mga nagbebenta at gumagamit ng iligal na droga dahil may kani-kanya namang Anti-Illegal Drugs Unit ang 11 istasyon ng MPD.
Ani Rosales, pansamantala lamang na binuwag niya ang nasabing unit hangga’t pinag-aaralan pa niya kung sino ang karapat-dapat na maipuwesto doon. Nabatid na ilang operatiba ang sumabit sa entrapment hinggil sa panghihingi ng malaking ‘areglo’. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending