Taguig fire: 1 patay, 3 sugatan

Patay ang isang mister nang atakihin ito sa sakit sa puso, habang 3 naman ang malubhang nasugatan ma­karaang masunog ang tira­han ng may mahigit sa 500 pa­milya, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Kinilala ang nasawi na si William “Wil” Bukid, 48 at residente ng Sitio Masigasig, Western Bicutan, nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nila­lapatan pa ng lunas sa pagamutan ang mga biktima na sina Jacinta Irel, 29; Fre­derick Escanuela, 19 at Do­mingo Perez na pawang nag­tamo ng mga sugat at lapnos sa kanilang mga katawan bunga ng nasabing insidente.

Samantala, natagpuan naman ang 2-anyos na ba­tang babae na si Charie Se­millano na unang iniulat na na­wala sa naganap na sunog.

Ang paslit ay ligtas na natagpuan ng kanyang mga kaanak sa pangangalaga ng isa sa mga pamilyang nasu­nugan.

Batay sa ulat ng Taguig City Fire Department, dakong alas-7 ng gabi nang magsimu­lang magliyab ang ilang mga kabahayan sa na­banggit na lugar hanggang sa umabot ito sa ika-apat na alarma.

Pasado alas-9 naman ng tuluyang maapula ng mga pamatay-sunog ang apoy kung saan tinatayang mahi­git sa 500 pamilya ang na­wa­lan ng tirahan bunga ng nasabing insidente.

Lumalabas naman sa pa­unang pagsisiyasat ng mga arson investigators na isang na­ pabayaang naka­sin­ding kalan ang pinag-ugatan ng sunog, habang tina­taya namang ma­higit sa P1 mil­yon ng mga ari-arian ang tinu­pok ng apoy.

Show comments