Nanawagan ang overseas placement sector sa pamahalaan na seryosohin ang pagsisikap nito na lumikha ng safety nets para sa overseas Filipino workers (OFWs) na maaaring mawalan ng trabaho dahil sa problemang pinansiyal na nararanasan ng mundo.
Sinabi ni Lito Soriano, isang nangungunang pigura sa overseas placement industry at executive director ng Federated Association of Manpower Exporters (FAME), na ang problemang haharapin ng OFWs sa kanilang pagbabalik ay hindi mareresolba ng salita lang ng gobyerno na bagong bayani ang mga OFWs.
“We want to see an action plan, a blue print on what the government shall do to make productive returning OFWs who are displaced because of the world economic crisis,” wika ni Soriano, na pinuri ang isang government agency na nagbigay ng pag-asa na seryoso ang pamahalaan sa paglikha ng trabaho dito.
Napansin ni Soriano at kanyang grupo ang hakbang ng Bureau of Immigration’s (BI) na hikayatin ang foreign investments na magtungo sa Pilipinas kapalit ng alok na permanent resident visa para sa foreigners na kukuha ng sampung Pinoy na manggagawa sa bansa.
Ang BI ay ikatlo na sa honor roll ng Philippine Anti-Graft Commission para sa government agencies na lumalaban kontra graft and corruption.
Ayon pa kay Soriano, sinulatan na ng kanyang grupo si Pangulong Arroyo at nagmungkahi na ang bagong alok na visa ng BI sa dayuhan na maglalagay ng negosyo sa Pilipinas ay sasakop na tinatawag na foreign principals na kukuha ng Pinoy workers.
Dagdag pa ni Soriano, lumabas ang BI sa pagiging tradisyunal na law enforcers at naging instrument sa pag-unlad ng bansa. (Butch Quejada)