Maagang natapos ang buhay ng isang tatlong taong gulang na bata makaraang masagasaan ng isang pampasaherong jeep nang hindi napansin ng driver nito na nagmamaniobra ng sasakyan kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Hindi na umabot nang buhay sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Mena Christine Mamangan, residente ng #8 Matulid street, Barangay Kaunlaran, Cubao sa naturang lunsod.
Arestado naman ang driver na si Marvin Raymond Danzalan, 26 anyos, binata, at residente ng 201 Avilla street, Barangay Batis, San Juan City.
Sa ulat ng Quezon City Traffic Sector 4, naganap ang aksidente dakong ala-1:30 kamakalawa ng hapon sa kanto ng Matulid at Pinatubo street sa Cubao.
Nabatid na nagmamaniobra ng kanyang jeep (TXH-171) si Danzalan nang hindi mapansin ang batang si Mamangan.
Tuluyang napailalim at nasagasaan ng kanang gulong sa hulihan ng jeep ang bata.
Nakapiit ngayon sa Quezon City detention cell ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide. (Danilo Garcia)