Isang suspek sa frustrated murder ang nadakip nang agawin niya ang cellphone ng isang beautician sa Navotas City kamakailan.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Eduardo Soria alyas Eddie na matagal nang pinaghahanap dahil sa kinakaharap niyang kasong frustrated murder sa Malabon City Regional Trial Court.
Ayon sa pulisya kahapon, nang madakip si Soria ay natuklasang merong nakabimbing arrest warrant laban sa kanya na ipinalabas ni Malabon Judge Leonardo Leonida.
Sinabi ni police desk officer PO3 Jerome Espina na na gawa lang madakip si Soria dahil sa pang-aagaw nito sa cellphone ni Ron Ereste, 21 anyos, ng Tondo, Manila.
Sa ulat ng pulisya, ganap na alas-10:00 ng gabi kamakalawa nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Lapu-lapu Avenue, North Bay Boulevard South sa Navotas.
Papasakay sa isang jeepney na may biyaheng Ilaya-Divisoria ang biktima nang biglang sumulpot ang suspek at agawin ang cell phone nito saka mabilis na tumakas.
Nagsisigaw naman ng tulong ang biktima dahilan upang habulin ng ilang istambay ang suspek at maaresto bago dalhin sa Navotas Police kung saan nabatid na isa pala itong wanted.
Nakatakdang dalhin ng mga awtoridad ang suspek sa Malabon RTC upang harapin nito ang kasong isinampa laban sa kanya kabilang ang robbery/snatching naman sa piskalya na isinampa naman ng biktima. (Ricky Tulipat)