Umaabot sa P60,000 halaga ng mga salapi at mga cellphone ang natangay ng isang 24-anyos na bakla makaraang pasukin nito ang isang tindahan ng cellphone kamakalawa ng hapon sa Marikina City.
Subalit dahil sa pagmamayabang sa kanyang mga kabarkada ay naaresto ng pulisya ang suspek na si Eduardson Arabe, 24 anyos, residente ng 216 Balubad NHA Barangay Nangka ng nasabing lungsod.
Sa ulat, dakong alas-4:00 ng hapon kamakalawa nang pasukin umano ng suspek ang tindahan ni Joel Inocentes, 29-anyos sa nasabing barangay at pagkatapos tangayin ang P20,000 cash at ibat-ibang mamahaling cellphone ay mabilis itong tumakas patungo sa kanyang mga kabarkada sa Rodriguez, Rizal.
Nang matuklasan naman ng bitkima ang ginawang panloloob sa kanya ng suspek ay agad itong humingi ng tulong sa Marikina police na nagsagawa ng follow-up operation.
Isang bakla naman na kakilala ng suspek ang nagmagandang-loob sa awtoridad at itinuro ang kinaroroonan ng suspek sa Rizal dahil nagyayabang umano ito sa mga kabarkada na gigimik sila at ililibre silang lahat dahil madami siyang pera.
Naabutan pa ng pulisya ang suspek na nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan at nang tignan ang dalang bag nito ay nasa pag-iingat pa nito ang ibat-ibang klase ng mamahaling cellphone at pera na kanyang ninakaw.
Kasalukuyang nakapiit sa Marikina detention cell ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito. (Edwin Balasa)