Dalawang bakasyonistang Hapones ang nabiktima ng mga hinihinalang miyembro ng ativan gang sa Malate, Maynila.
Tila tuliro pa nang ihatid ng mga hindi nagpakilalang bystander sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Section upang makapagreklamo ang mga biktimang sina Tatsuya Suzuki, 29; at Hiroaki Arai, 29, kapwa nanunuluyan sa Prince Plaza, sa Makati City.
Sinabi ng mga biktima na umaabot sa P400,000 ang halaga ng mga kagamitan, rolex watch at cash ang natangay sa kanila ng mga di nakilalang lalaki na una umanong nakipagkaibigan sa kanila.
Bago ang krimen, nabatid na kamakalawa ng gabi ay nagtungo sa Malate ang mga biktima nang lumapit sa kanila ang nag-iisang suspek at nakipagkaibigan.
Inimbitahan umano ng suspek ang mga dayuhan na sumama sa bahay nito at dito ay pinakain umano niya ang mga biktima at saka pinainom ng alak na lingid sa kaalaman ng mga ito ay mayroong halong pampatulog.
Nagising na lamang umano ang dalawa sa harapan ng Rivera Mansion dakong alas-10:30 ng umaga kahapon.
Mabuti na lamang at kahit nilimas ng suspek ang mahahalagang gamit at cash ng mga biktima ay iniwan naman umano nito ang kanilang mga pasaporte upang makabalik pa ang mga ito sa Japan.
Ayon kay SPO2 Romy Saavadera, kahapon ang biyahe ng mga biktima pauwi sa Japan at inihatid na lamang ito ng mga pulis sa airport. (Gemma Amargo-Garcia)