Kasuhan ni'yo kami! - PDEA
Hinamon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Dionisio Santiago Jr. ang pamila ng mga tatlong drug suspect na tinaguriang Alabang Boys na sampahan sila ng kasong ‘arbitrary detention’ kung sa palagay nila ay iligal ang patuloy nilang pagdetine sa mga suspek sa kabila na una nang napawalang sala ng mga prosecutors ng Department of Justice (DOJ).
Nilinaw ni Santiago na patuloy na nakaditine sa PDEA Custodial Detention Center sina Richard Santos Brodett, Jorge Jordana Joseph at Joseph Ra mirez Tecson base sa memorandum order 46 na inaprubahan ni dating Justice Secretary Simeon Datumanong at patuloy na pinapatupad ng ahensya kung saan nakasaad na isasailalim sa mandatory review at approval ng kalihim ng DOJ ang anumang kaso sa iligal na droga na napawalang-sala ng kanilang mga prosecutors.
Iginiit nito na hindi pa pinal at ‘executory’ ang desisyon na inilabas ng DOJ State Prosecutors dahil sa hindi pa naman ito narerebisa ni Secretary Raul Gonzalez.
Sinagot naman nito ang umano’y pagtatanggol ng ama ni Jorge Jordana Joseph na si “Johnny Midnight” na ‘social user’ lamang ang kanyang anak at hindi drug pusher.
Iginiit ni Santiago na malinaw ang mga ebidensyang nakuha ng kanyang mga operatiba sa posesyon ng mga suspek.
“Parang natural lang sa kanya na banggitin na “social user” ang kanyang anak, eh kung pumatay pala pwedeng sabihin na “social murder”. Kung anak ko iyan na user eh malamang bugbugin ko pa iyan,” ani Santiago.
Nanawagan rin si Santiago sa mga ahensya ng pamahalaan na kasama sa law enforcement ng pamahalaan na maging propesyunal naman pagdating sa kampanya laban sa iligal na droga at huwag magtakipan.
Sa PDEA, hindi umano siya mangingimi na paimbestigahan at patawan ng parusa ang kanyang mga opisyal at tauhan na magkakasala at ganito rin umano ang dapat ipatupad ng ibang ahensya na dapat ay kakampi nila sa pagsugpo sa iligal na droga partikular na sa DOJ.
- Latest
- Trending