Mister sinaksak ng kainuman, todas
Isang mister ang sinaksak at napatay ng kanyang kainuman nang magtalo sila sa kanilang pulutan sa kanilang tinutuluyang bahay sa St. Michael St., Admin Site, Tala, Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Jose Fajardo, 36, walang hanapbuhay. Tinutugis naman ng mga awtoridad ang suspek na si Edwin Flava, 38, may asawa, welder at kasambahay ng biktima.
Sa ulat ni PO1 Mark Andrewe Bartolome, may hawak ng kaso, dakong alas-7:25 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga ito sa naturang lugar.
Masayang nag-iinuman ang biktima at suspek nang bigla silang magtalo dahil wala na silang mapupulutan. Sinabihan ng biktima ang suspek na magdilihensiya ng mapupulutan subalit tumanggi ang huli na nauwi sa mainitang pagpapalitan ng maaanghang na pananalita.
Habang nagtatalo, biglang nagbunot ng patalim ang suspek at walang sabi-sabing malakas na inundayan ng saksak ang nabiglaang biktima na tinamaan sa dibdib na duguang humandusay.
Mabilis na tumakas ang suspek sa di-nabatid na direksiyon dala ang ginamit na armas habang ang biktima ay agarang isinugod sa nasabing ospital subalit hindi na umabot nang buhay doon. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending