2 biniktima ng killer highway
Dalawang buhay ang kinitil bilang pagsalubong sa Bagong Taon ng tinaguriang “killer highway” na Commonwealth Avenue sa Quezon City na ngayon ay isinailalim na sa “discipline zone” matapos na maitala ang dalawang banggaan kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang isa sa mga nasawi na si Gerry Cambal, 42-anyos, residente ng Barangay Payatas B, Quezon City habang patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan ng isang babaeng biktima.
Sa ulat ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit-Sector 5, dakong alas-5 ng umaga nang mabangga si Cambal sa kahabaan ng Commonwealth Avenue malapit sa kanto ng Litex Road ng isang Toyota Fortuner (ZED-548).
Agad na nasawi ang biktima dahil sa tinamong mga pinsala sa katawan habang mabilis namang naaresto ng mga pulis ang driver ng Fortuner na si Joseph Constantine Edgar Cruz, residente ng Brgy. San Nicolas, Pasig City.
Nauna rito, dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi nang mabangga ng isang rumaragasang Kawasaki motorcycle ang isang matandang babae sa Commonwealth Avenue malapit naman sa panulukan ng IBP Road.
Naisugod pa sa East Avenue Medical Center ang biktima ngunit tuluyang nasawi na rin dahil sa matinding pagkabagok ng ulo sa semento makaraang mabangga.
Hawak na rin naman ng pulisya ang driver ng motorsiklo na si Johnson Abapo, 25 anyos, ng Barangay Commonwealth. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending