Ilegal na paputok, sinunog
Sinira ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang libu-libong piraso ng mga nakumpiskang iligal na mga paputok na tinalupan at sinindihan ang mga pulbura na tinatawag ng mga kabataan na “Darna”. Pinangunahan ni QCPD Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula ang pagsunog sa mga iligal na paputok sa loob ng Kampo Caringal na nakumpiska sa iba’t ibang pamilihan at mga kalsada na ibinibenta ng mga pasaway na negosyante.
Kasama sa mga sinirang mga paputok ang mga malalaking mga trianggulo, super lolo, mother rockets, OG, pla-pla, mga walang label na paputok, kwiton, atomic bomb, piccolo, baby dynamite, watusi, higanteng sinturon ni hudas, super bawang, at whistle bomb. Kasama rin sa mga winasak ang mga nakumpiskang mga pillbox at mga replica ng baril.
Nabatid na nagpasya ang QCPD-Bomb Disposal Unit na ipunin na lamang ang mga pulbura at sindihan kaysa sa basain ito dahil sa may panganib na sumabog pa rin ang mga pulbura kahit na basa. Nanawagan rin naman ang QCPD sa publiko na linisin agad ang kanilang mga paligid matapos ang putukan upang mailayo sa disgrasya ang mga kabataan na magtatangkang mamulot ng mga hindi sumabog na paputok sa umaga ng Bagong Taon. Nabatid na sa tala ng Department of Health, marami sa mga batang naputukan ay iyong mga namumulot ng mga hindi sumabog na paputok ngunit buhay pa pala ang baga sa loob. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending