Paggamit ng bansag na 'Alabang Boys', giit ihinto
Umapela kahapon sa media at sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City na hintuan na ang pag-bansag o paggamit ng salitang “Alabang boys” sa tatlong suspect na naaresto sa isinagawang drug-bust operations noong Setyembre sa Ayala-Alabang ng lungsod.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro, ang paggamit ng nasabing bansag sa mga suspect ay nakakasira sa imahe ng buong financial district ng lungsod.
“Don’t call them Alabang boys. It paints a bad picture of the city’s financial district”, apela ni San Pedro.
Magugunita na naging bansag ang mga katagang “Alabang boys” sa mga suspect na sina Joseph Ramirez Tecson, Jorge Giordano Joseph at Richard Santos Brodette mula ng maaresto ang mga ito noong Setyembre sa Ayala-Alabang sa isinagawang raid ng PDEA.
Nabatid na ang mga suspect ay pawang nanggaling sa mga prominenteng angkan at pamilya.
Sinabi pa ni San Pedro na maraming mga residente ang naapektuhan na naninirahan sa Ayala-Alabang kung saan dito rin naninirahan si dating Pangulong Fidel V. Ramos, mga senador at iba pang mga tanyag ng negosyante.
“The three suspects only form a small portion of the huge population of Ayala Alabang and to refer them as “Alabang boys” paints a negative picture of the community,” pahayag pa ni San Pedro.
Ayon pa kay San Pedro na sentro ngayon ng kalakalan ang Alabang at isa rin ito sa pinagtutuunan ng pansin ng alkalde na mas palaguin pa para mas lalong mahalina rito ang mga mamumuhunan.
Sa kabila nito, pinuri naman ni San Pedro ang PDEA sa kampanya nito laban sa drugs na aniya ay ugat ng kriminalidad sa bansa. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending
















