Pinag-iingat ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang publiko sa posibleng insidente ng sunog at pinsalang kaakibat ng papasok na Bagong Taon, kasabay ang paalala na kasado na ang paghahanda ng pamahalaang lungsod.
Itinaas naman ni Echiverri sa alert status ang pamahalaang lungsod dahil sa mas maraming insidente ng sunog at kaso ng firecracker-related injury sa mga panahong ito.
Kaugnay nito, patuloy sa pagmo-monitor ang Caloocan City Health Department (CHD) sa limang malalaking pagamutan sa siyudad na tinaguriang sentinel hospitals.
Nauna nang namahagi ang mga kawani ng CHD ng “Iwas Paputok” poster sa 44 na public health center at 188 barangay hall, kasabay nang pagbibigay ng mga safety tips sa publiko.
Iniutos din ni Echiverri sa Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) ang mahigpit na pagpapatupad sa Republic Act 7183 o An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, & Use of Firecrackers & Other Pyrotechnic Devices upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, lalo na ng kabataan, laban sa mga ipinagbabawal at ilegal na paputok.
Kabilang na rito ang piccolo, watusi o dancing firecracker 5-star “Rebentador,” “Kingkong,” pla-pla at boga o kanyong gawa sa tubo ng PVC.