Isang binatilyo ang nasaksak kahapon ng alas-3 ng madaling-araw sa kanto ng Cotabato-Cagayan sa Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City. Kinilala lang sa alyas na "Batoy” ang biktima.
Papauwi galing sa tindahan ang biktima at kaibigan nito nang harangin ng tatlong suspek na pawang mga kabataan at nanghingi ng panigarilyo. Nang walang maibigay ang magkaibigan ay dumukot ng patalim ang isa sa mga suspek at nang makita ito ng kaibigan ni Batoy ay bigla niyang tinadyakan ang suspek. Nakita ng suspek na nagtatago ang biktima sa isang truck, pinuntahan at saka sinaksak.
Madaling umuwi si Batoy sa kanilang bahay at sinabi sa pamilya at mga pinsan ang pangyayari. Nang dadalhin na si Batoy sa ospital at tutungo sa barangay ang pamilya ay dumating muli ang mga suspek at may dalang sumpak. Sa takot ng mga pamilya ay ginising na ang ibang kapatid at kapitbahay at tumawag ng barangay patrol at mobile police ang isang kaanak.
Nawala ang tensyon nang dumating na ang barangay patrol, mobile ng Station 2 at nagising na ang mga ilang kapitbahay.
Nabatid na hindi lamang ito ang unang insidente na naganap sa naturang baran gay. Halos marami nang biktima ng panghoholdap, pangungursunada at noon lamang Dis. 24 ay may naganap ding pananaksak sa naturang lugar.
Pinaghahanap ng pulisya ang mga ito matapos na mai-blotter ang pangyayari.