Kinaibigan bago pinagnakawan ng isang Koreano ang bagong dating na Hapones ka makalawa ng gabi sa Pasay City.
Galit na galit nang dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Hirotaka Suzuki, 20, pansamantalang nanunuluyan sa Room 606, Shogun Hotel na nasa 9848 Taft Avenue ng nabanggit na lungsod.
Ang suspek naman na nagpakilala lamang sa pangalang Mr. Kim, nasa 30-anyos, may taas na 5’4’’, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng puting bull cap, asul na polo, pantalong maong, gomang sapatos at may hikaw sa kaliwang tenga ay naglahong parang bula matapos pagnakawan ang biktima.
Ayon sa salaysay ng biktima, nitong Disyembre 26 ay dumating siya sa Ninoy Aquino International Airport lulan ng Philippine Airlines Flight (PR-437).
Dala-dala niya ang kanyang mga bagahe nang kaibiganin umano siya ni Kim at tinulungan siya ng huli na makasakay ng taxi at inihatid siya sa Shogun Hotel.
Sa counter ng hotel, binayaran pa umano ng suspek ang kinuhang silid ng biktima kung saan tinulungan pa muli siya nitong dalhin sa kuwarto ang lahat ng kanyang dala-dalahan.
Makalipas ang ilang oras, bandang alas-9:05 ng gabi, niyaya umano ng suspek ang biktima na mamasyal sa SM Mall of Asia saka inutangan siya nito ng $500 para ibili ng dalawang kahon ng alahas.
Sa paglilibot, biglang nawala ang Koreano at nang makabalik siya sa hotel, laking-gulat niya dahil nagkalat na ang kanyang kagamitan at nawawala na sa bagahe ang kanyang 60,000 yen, digital camera, driver’s license, ATM at credit card, salapi at personal na kagamitan na umaabot sa kabuuang $1,200. (Rose Tamayo-Tesoro)