Isang 55-anyos na overseas Filipino worker (OFW) ang dumayo pa sa tahanan ng kanyang inang may karamdaman upang magpatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili, sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Namatay noon din ang biktimang si Oscar Delos Reyes, may-asawa at dating nagtrabaho sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) at residente ng Makati City. Sa ulat ng pulisya, dakong alas- 2:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng ina ng nasawi sa Callejon corner Del Rosario Sts., Gagalangin, Tondo.
Nabatid na dumalaw lamang ang biktima sa bahay ng ina na may karamdaman at saka nakipag-inuman ito sa mga kapatid at ilang kaanak kaugnay sa pagdiriwang ng Pasko. Napuna lamang ng mga kaanak na tumayo ang biktima at nagsabing iihi lamang subalit sa halip na comfort room ang tunguhin, ay nagtuloy ito sa isang kuwarto sa bahay ng kanyang ina.
Nang mapansin ni Alexander Francisco, houseboy ng pamilya Delos Reyes na nasa loob ng kuwarto ang biktima at hawak ang baril na nakasubo pa umano ay nagtangka itong pigilan subalit itinaboy lamang umano siya. Nagdesisyon ang houseboy na magsumbong sa mga kapatid at kaanak ng biktima subalit nakarinig sila ng malakas na putok.
Naabutan na lamang na duguan ang biktima at nasa tabi nang kinabagsakan ang kalibre 22 na baril na pag-aari umano nito. Nabatid na problemado ang biktima dahil hiwalay ito sa kanyang asawa at madalas umanong magbiro na huling Pasko na niya ang taong ito. (Ludy Bermudo)