'Firecracker zones' sa lahat ng bayan, lungsod inutos ng DILG
Ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno sa lahat ng mga gobernador, alkalde at punong barangay na magtatag ng sarili nilang “firecracker zones” upang maiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa paputok ngayong darating na Bagong Taon.
Pinaalala ni Secretary Ronaldo Puno ang direktiba sa pagpapatupad ng Republic Act no. 7183 na nagsasaad ng regulasyon sa pagbebenta, produksyon, distribusyon at paggamit ng mga paputok at paglalagay ng mga ‘firecracker zones’ sa lahat ng ‘local government units (LGUs)’.
Sa pagkakaroon ng ‘firecracker zones’, dito maaaring magpaputok ang publiko sa pagsalubong sa Bagong Taon. Bukod sa mas ligtas, maiiwasan rin ang pagkakaroon ng sunog na taun-taong nangyayari.
Pinaalala ni Puno sa lahat ng mga alkalde na tiyakin na nakahanda ang lokal na pulisya sa kanilang lugar para proteksyunan ang publiko kung saan dapat nakahanda ang mga ito sa pagbabantay laban sa paggamit ng mga iligal na paputok, at maging alerto sa posibleng banta ng terorismo.
Iginiit din ng DILG sa mga lokal na pamahalaan ang agad na paglilinis ng kanilang mga nasasa kupan upang maiwasan ang karamihan ng mga aksidenteng nagaganap dahil sa pagdampot ng mga bata sa mga hindi sumabog na mga paputok na buhay pa pala ang mitsa. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending