NBI at PDEA magtutulungan sa P50-M suhol
Handang makipagtulungan ang Philippine Drug Enforcement Agency sa National Bureau of Investigation sa isinasagawa nitong imbestigasyon ukol sa ibinunyag nilang P50 milyong panunuhol para mapalaya ang tatlong kilabot na umano’y drug trafficker buhat sa mayayamang angkan.
Pinapurihan rin ni PDEA Director General Dionisio Santiago Jr. ang pagpapaimbestiga ni Deparment of Justice Secretary Raul Gonzalez sa naturang isyu.
Handa naman ang PDEA na ibigay ang kanilang buong kooperasyon sa mga tauhan ng NBI-Special Task Force na nauna nang nagtungo sa kanilang tanggapan nitong Disyembre 23.
Una nang inihayag ni Santiago ang tangka umanong panunuhol sa kanyang mga tauhan ng ilang maimpluwensyang tao para ilaglag ang kaso ng mga drug suspect na sina Richard Santos Brodett, Joseph Ramirez Tecson at Jorge Jordana Joseph.
Dito na naglabasan ang ilang ulat na nilapitan rin ng grupo ang mga piskal ng DOJ at inalok ng multi-milyong halaga na posibleng umaabot sa P50 milyon para mapalaya ang mga akusado.
Matatandaan na naaresto ng mga kagawad ng PDEA sa isang magkakasunod na operasyon ang tatlo sa Ayala Alabang, Parañaque City at Araneta Center sa Cubao, Quezon City noong Setyembre 21. Nakumpiska sa mga ito ang iba’t ibang iligal na droga kabilang na ang ecstacy.
Nabatid na ang mga ito umano ang posibleng supplier ng ecstacy sa mga ‘events’ na kanilang pino-produce kung saan posibleng kustomer nila ay mga artista at mga mayayamang kabataan.
Sinampahan ng kaso ang mga suspek nitong Setyembre 21, 2008 at idinitine sa PDEA Custodial Detention Facility.
Nakapagdududa namang nadismis ang ka song isinampa ng PDEA laban sa mga ito sa resolusyong inilabas ng National Prosecution Service ng DOJ nitong Disyembre 2 at natanggap ng PDEA nitong Disyembre 19.
Agad nakipag-ugnayan ang PDEA Legal and Prosecution Service kay Secretary Gonzalez para sa “mandatory automatic review” nito sa kaso base sa DOJ Memorandum Circular Number 46.
Nagbanta naman si Santiago na kanilang ipaglalaban ang naturang kaso. “We will exhaust all legal remedies; this time, we will no longer take things sitting down,” sabi ni Santiago. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending