Binata todas sa resbak
Isang 18-anyos na binata ang natodas, habang tatlo pa ang nasugatan nang barilin ng isa sa apat na suspect na pinaniniwalaang nagplano ng ‘resbak’ sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng umaga.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Paul Herbert Merto, estudyante at residente ng B. Maria Pajo St., Tondo, Maynila bunga ng tinamong tama ng bala sa likod.
Sugatan at nilalapatan ng lunas ang tatlo pang biktimang kinilalang sina Ernesto Calangi, 22; Violeta Nabor, 52; at Jopher Arilio, 15, na nadamay matapos tamaan ng ligaw na bala sa hita at paa.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkikilanlan sa gunman at tatlo pang kasamahan nito na pinaniniwalaang miyembro ng isang gang.
Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-11 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Wagas at Sgt. Mabagos Sts., Tondo.
Nabatid na naglalaro ng video game ang biktima at kaibigang si Jefferson Castro sa Abes Barbershop ay tinawag ito ng grupo ng mga suspect at itinanong kung siya ang nagngangalang “Paul”, na sinagot naman umano ng ‘oo’.
Dahil sa naramdaman umano ang panganib ay mabilis na itinulak ng biktima ang suspect na may hawak ng baril at nagtatakbo sa direksiyon ng Mabagos St.
Gayunman hinabol pa rin siya ng mga suspect at saka pinaulanan ng putok ng baril.
Napadaan naman umano si Calagi na nagmamaneho ng kanyang sasakyan nang matamaan ng ligaw na bala.
Maging sina Nabor at Arillo na noo’y may binibili sa isang tindahan ay nahagip din ng ligaw na bala. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending