Trader hinoldap

Isang negosyante ang nawalan ng malaking halaga ng salapi at kagamitan matapos holdapin ng apat na hindi nakikilalang kalalakihan habang sakay ng kanilang van kamakalawa ng gabi sa Malabon City .

Kinilala ni Sr. Supt. Roberto Villanueva, Malabon City Police chief, ang biktimang si Josefina Santos, 58, ng Barangay San Agustin ng nabanggit na lungsod.

Nagsasagawa naman ng manhunt at follow-up operation ang mga awtoridad laban sa apat na di-nakikilalang suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Manapat Street, Barangay Tañong ng nasabing lungsod.

Nabatid, sakay ang biktima ng kanyang L-300 van kasama ang kanyang asawa nang biglang harangin ng apat na suspek ang kanilang sinasakyan kasabay na pagdedeklara ng holdap.

Mabilis na hinablot ng isa sa mga suspek ang shoulder bag ng biktima na naglalaman ng halagang P50,000, wedding ring, pearl erring at cellphone bago agarang nagsitakas sa di-nabatid na direksiyon. (Lordeth Bonilla)

Show comments